NBI Clearance Acquisition
Nagising ako kanina ng mga 8am dahil sa mommy ko. Dahil alam niyang kukuha ko ng NBI clearance sa araw na ito ay gusto niyang isabay na din ang mga iuutos niya sa akin. Unang utos ay ang magbayad ng kuryente sa Meralco at ang pangalawang utos ay ibigay ang ipinanotaryong dokumento sa engineer na nasa Meralco din. Dahil tapat lang ng Meralco ang munisipyo kung saan naroon ang NBI, sunod na lang din ako. Wala din naman akong choice dahil nanay ko yon.
Inuna ko na lang yung mga kailangang gawin sa Meralco dahil madali lang naman matapos yon. Pagtapos non ay tumawid na ko para pumunta sa NBI.
Course Description
Kailangan ko lang naman ng NBI clearance para magkaroon pa ako ng isa pang valid ID bukod sa driver's liscence ko. Dalawa kasi ang kailangan para sa papasukan kong trabaho. Wala pa kasi akong voter's ID hanggang ngayon kahit na matagal na akong registered voter. At base sa pagkakaintindi ko sa NBI clearance, dito nakasaad na wala kang kaso o hindi ka pinaghahabol ng batas. Kung baga sa school, wala kang offense sa discipline office.
Prerequisite
Prerequisite para makakuha ng NBI clearance ay isang sedula. Uso pa pala yon hanggang ngayon. Akala ko kasi pinunit na ng mga katipunero. Sa sedula naman nakasaad na nagbayad ka ng community tax na limang piso. Salamat sa mama na nagsabi sa akin na kailangan pala yon bago pumila. Wala ng pila sa pagkuha nito dahil mabilis lang naman makuha ito. Parang bumili ka lang ng turon. Ganon.
Orientation
Sa wakas makakapila na ko! Makakakuha na ako ng NBI clearance dahil wala naman akong kaso. Kaso lang, hindi pala ganoong kadali iyon. Dahil medyo late na akong dumating doon ay humaba na pala ng humaba ang pila. Kung may pupuntahan ka pa at gagawing importante ay hindi mo na pipiliing pumila. Kung tutuusin, di naman talaga marami ang nakapila. Hiwalay naman kasi ang pila ng lalake at babae. Hindi ko naman maisip kung bakit ganoon ang sistema. Mas mahaba ang pila ng lalake at kung bading ka, sa lalake ka pa din pipila. Siguro ang average na dami ng taong nakapila sa pila ng lalake ay 60. Ang nakakalungkot lang, mabagal ang proseso kaya halos di gumagalaw ang pila.
Natutunan ko na kapag alam mong pipila ka sa pila sa munisipyo, dapat marami kang baong mapapaglilibangan. Buti na lang may laro akong tetris sa cellphone ko. Ilang beses ko din na-beat ang record ko don. May dala din akong ipod medyo maraming kanta din nakasave doon. Tila nalilimutan kong nakapila ako sa halos di gumagalwa na pila.
Dapat din makapal ang mukha mo para magpa-save sa pila sa hindi mo kakilala sa mga pagkakataong kailangan mong umalis sa pila. Applicable lang to siyempre kung wala kang kasama. Natural kailangan mong pumunta sa banyo paminsan para sa tawag ng kalikasan. Kailangan mo din bumili ng pagkain pag nagugutom ka na sa kahihintay. Magpasalamat ka naman kapag lumabas na yung taong nagsusulat ng number sa likod ng sedula mo. Ibig sabihin reserved ka na talaga sa pwesto mo at kung aalis ka di mo na kailangan magpa-save. Tandaan mo lang yung mga kasunod mo. Nung nabigyan ako ng number, sinamantala ko na para makapaglunch. Nag-rice all you can ako dahil sobrang nakakagutom! Kaya naman pagbalik ko sa pila, parang nadudumi ako. Pinigil ko na lang dahil malapit na ako sa step 1. Oo, step 1 pa lang.
May kahabaan at katagalan nga ang orientation (pagpila) sa course na ito. Mga apat na oras lang naman. Nabasa ko din pala na kapag may kapangalan ka sa records ng NBI, ten working days ang hihintayin mo para makuha ang clearancce mo. Kapag wala ka naman sa records nila, walang problem at maya maya lang ay makukuha mo na din yon.
Step 1
Matapos nga ng orientation ay step 1 na nga, magbabayad muna ng P115 kung for local lang ang purpose ng NBI clearance mo. Kung for travel abroad, hindi ko alam kung magkano. Ang kailangan lang sa step 1 ay ang sedula at isang valid ID. Yung ale kanina pinakuha pa ng police clearance dahil 13 years old pa siya don sa dala nyang ID. Buti ako may lisensya ako.
Step 2
Pagtapos non may bibigyan ka ng form pero kailangan ng mga fingerprint ng lahat ng daliri. Ten pesos naman ang bayad don at ang dumi ng kamay mo pagtapos. Buti may wet wipes nang ready don para maalis mo yung tinta sa mga daliri mo pagtapos.
Step 3 at 4
Sa totoo lang ang step 3 ay ipapasa mo na ang finill-up mong form para maiproseso. Napakadali lang nito at napakabilis kung walang sumisingit. Pinalagpas ko na lang yung mga babaeng ginamit yung pagiging babae nila para makasingit sila. Mga tatlo lang naman yon. Pagpasa mo, pipicturan ka na. Smile! Tapos maghihintay ka sa lugar kung saan ka pumila kanina para tawagin ang pangalan mo.
Step 5
Ganito ang nangyari. Yung mama kanina na nagsusulat ng number sa likod ng sedula, siya din yung nagrerelease ng mga clearance. Pero meron din siyang katulong. Siguro kada 20 minutes nagtatawag lumalabas sila para magtawag ng pangalan. Kaya naman pag lumalabas sila, dinudumog sila ng mga tao na para bang mga fans na magpapa-autograph sa paborito nilang artista. Pag nagtatawag naman sila ng pangalan, para namang graduation dahil lalapit yung tao upang tanggapin ang clearance na animo'y diploma. Parang ngang mas excited ang feeling ko non kaysa don sa mismong graduation. Paano ba naman kasi, nakaanim na batch ata ng mga pangalan bago ako tawagin. Hindi pa kasama don yung mga pagkakataon na konti lang yung tinawag nila. Kaya naman noong tinawag ang pangalan ko, napasigaw talaga ako, "Ako yon! Ako yon!".
Uwian na.
No comments:
Post a Comment