February 10, 2010

NBI Clearance Acquisition

Nagising ako kanina ng mga 8am dahil sa mommy ko. Dahil alam niyang kukuha ko ng NBI clearance sa araw na ito ay gusto niyang isabay na din ang mga iuutos niya sa akin. Unang utos ay ang magbayad ng kuryente sa Meralco at ang pangalawang utos ay ibigay ang ipinanotaryong dokumento sa engineer na nasa Meralco din. Dahil tapat lang ng Meralco ang munisipyo kung saan naroon ang NBI, sunod na lang din ako. Wala din naman akong choice dahil nanay ko yon.

Inuna ko na lang yung mga kailangang gawin sa Meralco dahil madali lang naman matapos yon. Pagtapos non ay tumawid na ko para pumunta sa NBI.

Course Description
Kailangan ko lang naman ng NBI clearance para magkaroon pa ako ng isa pang valid ID bukod sa driver's liscence ko. Dalawa kasi ang kailangan para sa papasukan kong trabaho. Wala pa kasi akong voter's ID hanggang ngayon kahit na matagal na akong registered voter. At base sa pagkakaintindi ko sa NBI clearance, dito nakasaad na wala kang kaso o hindi ka pinaghahabol ng batas. Kung baga sa school, wala kang offense sa discipline office.

Prerequisite
Prerequisite para makakuha ng NBI clearance ay isang sedula. Uso pa pala yon hanggang ngayon. Akala ko kasi pinunit na ng mga katipunero. Sa sedula naman nakasaad na nagbayad ka ng community tax na limang piso. Salamat sa mama na nagsabi sa akin na kailangan pala yon bago pumila. Wala ng pila sa pagkuha nito dahil mabilis lang naman makuha ito. Parang bumili ka lang ng turon. Ganon.

Orientation

Sa wakas makakapila na ko! Makakakuha na ako ng NBI clearance dahil wala naman akong kaso. Kaso lang, hindi pala ganoong kadali iyon. Dahil medyo late na akong dumating doon ay humaba na pala ng humaba ang pila. Kung may pupuntahan ka pa at gagawing importante ay hindi mo na pipiliing pumila. Kung tutuusin, di naman talaga marami ang nakapila. Hiwalay naman kasi ang pila ng lalake at babae. Hindi ko naman maisip kung bakit ganoon ang sistema. Mas mahaba ang pila ng lalake at kung bading ka, sa lalake ka pa din pipila. Siguro ang average na dami ng taong nakapila sa pila ng lalake ay 60. Ang nakakalungkot lang, mabagal ang proseso kaya halos di gumagalaw ang pila.

Natutunan ko na kapag alam mong pipila ka sa pila sa munisipyo, dapat marami kang baong mapapaglilibangan. Buti na lang may laro akong tetris sa cellphone ko. Ilang beses ko din na-beat ang record ko don. May dala din akong ipod medyo maraming kanta din nakasave doon. Tila nalilimutan kong nakapila ako sa halos di gumagalwa na pila.

Dapat din makapal ang mukha mo para magpa-save sa pila sa hindi mo kakilala sa mga pagkakataong kailangan mong umalis sa pila. Applicable lang to siyempre kung wala kang kasama. Natural kailangan mong pumunta sa banyo paminsan para sa tawag ng kalikasan. Kailangan mo din bumili ng pagkain pag nagugutom ka na sa kahihintay. Magpasalamat ka naman kapag lumabas na yung taong nagsusulat ng number sa likod ng sedula mo. Ibig sabihin reserved ka na talaga sa pwesto mo at kung aalis ka di mo na kailangan magpa-save. Tandaan mo lang yung mga kasunod mo. Nung nabigyan ako ng number, sinamantala ko na para makapaglunch. Nag-rice all you can ako dahil sobrang nakakagutom! Kaya naman pagbalik ko sa pila, parang nadudumi ako. Pinigil ko na lang dahil malapit na ako sa step 1. Oo, step 1 pa lang.

May kahabaan at katagalan nga ang orientation (pagpila) sa course na ito. Mga apat na oras lang naman. Nabasa ko din pala na kapag may kapangalan ka sa records ng NBI, ten working days ang hihintayin mo para makuha ang clearancce mo. Kapag wala ka naman sa records nila, walang problem at maya maya lang ay makukuha mo na din yon.

Step 1

Matapos nga ng orientation ay step 1 na nga, magbabayad muna ng P115 kung for local lang ang purpose ng NBI clearance mo. Kung for travel abroad, hindi ko alam kung magkano. Ang kailangan lang sa step 1 ay ang sedula at isang valid ID. Yung ale kanina pinakuha pa ng police clearance dahil 13 years old pa siya don sa dala nyang ID. Buti ako may lisensya ako.

Step 2
Pagtapos non may bibigyan ka ng form pero kailangan ng mga fingerprint ng lahat ng daliri. Ten pesos naman ang bayad don at ang dumi ng kamay mo pagtapos. Buti may wet wipes nang ready don para maalis mo yung tinta sa mga daliri mo pagtapos.

Step 3 at 4

Sa totoo lang ang step 3 ay ipapasa mo na ang finill-up mong form para maiproseso. Napakadali lang nito at napakabilis kung walang sumisingit. Pinalagpas ko na lang yung mga babaeng ginamit yung pagiging babae nila para makasingit sila. Mga tatlo lang naman yon. Pagpasa mo, pipicturan ka na. Smile! Tapos maghihintay ka sa lugar kung saan ka pumila kanina para tawagin ang pangalan mo.

Step 5
Ganito ang nangyari. Yung mama kanina na nagsusulat ng number sa likod ng sedula, siya din yung nagrerelease ng mga clearance. Pero meron din siyang katulong. Siguro kada 20 minutes nagtatawag lumalabas sila para magtawag ng pangalan. Kaya naman pag lumalabas sila, dinudumog sila ng mga tao na para bang mga fans na magpapa-autograph sa paborito nilang artista. Pag nagtatawag naman sila ng pangalan, para namang graduation dahil lalapit yung tao upang tanggapin ang clearance na animo'y diploma. Parang ngang mas excited ang feeling ko non kaysa don sa mismong graduation. Paano ba naman kasi, nakaanim na batch ata ng mga pangalan bago ako tawagin. Hindi pa kasama don yung mga pagkakataon na konti lang yung tinawag nila. Kaya naman noong tinawag ang pangalan ko, napasigaw talaga ako, "Ako yon! Ako yon!".

Uwian na.

February 7, 2010

First Day of Classes

School is finally over. Bagong yugto na naman ng buhay ko ang sisimulan ko. Ibang klaseng naman ang papasukan ko, ang buhay ng "Totoong Mundo" ika nga nila.

Palaging sinasabi ng mga kaibigan kong nagtatrabaho na mas gusto daw nilang balikan ang mga araw na nag-aaral pa sila. Kaso lang naisip ko, kahit gaano man nila kagusto, di na nila mababalikan ang mga panahong iyon, unless may makaimbento ng time machine sa future. Yun nga lang, present pa lang ngayon at hindi pa future.

"Your future begins here" ang tagline ng unibersidad kung saan ako nagtapos. Naalala ko tuloy noong kumukuha pa lang ako ng application form. Excited na excited akong sagutan kaagad ang mga fields. Parang kailan lang yon, mga five years ago. Tapos ngayon, unang araw nang hindi ako manghihingi ng discount sa jeep. Matagal tagal pa siguro ulit bago mangyari yon. Pero pwede pa din naman siguro kung magkulang ang pamasahe ko. Hindi naman halata.

Maagang nagsimula ang araw ko ngayon. Parish Convention kasi sa parokyang aking pinaglilingkuran. Ang naging papel ko ay magplano at tumulong upang maisakatuparan ang masining na balik-tanaw. Akala ko hindi na namin matatapos o magagawa ng maayos. Hindi ko kasi masyadong maasikaso dahil naghahanap ako ng trabaho. Salamat na lang kina Rose a.k.a Krizzy, at Gerson a.k.a Vhoy! Natuwa ang mga tao sa programa ng PCNN (Parish Convention Na Naman). Sulit ang preparations.

Isa ding pinaghandaan ko ay ang posibleng maging trabaho ko. Buti na lang may Job Expo sa school kaya hindi na ko nahirapan mamigay ng resume. Ilang beses din akong nareject sa mga pinag-apply-an ko dahil sa interview. Kailangan ba talagang palagi mong maachieve ang goals mo? Paano kung ginawa mo na naman talaga yung best mo at nakagawa ka ng magandang output na hindi sapat para maachieve ang goal mo? Palpak pa rin ba yon? Kailangan ko pa bang magsinungaling na hindi agressive ang goals ko para lang masabi ko na nakaachieve ako ng goal? Mas tama ba yon sa pagsasabi na totoo at pag-amin ng kahinaan? Ilang beses ko ring narinig ang, "OK then, just expect a call within two weeks". Ilang aptitude na rin ang nasagutan ko. Para bang ayaw nilang may magtrabaho sa kompanya nila. May pumapasa kaya sa mga yon? Ows? Meron? IQ ba talaga ang kailangan? Bakit noong OJT ko, konting IQ lang ang ginamit ko pero gusto naman ako doon?

Sa pagbubukas ng klase ko sa "Real World", marami akong natutunan. Ang first day of classes dito ay katulad ng din ng first day sa school. Hindi mo alam ang mga mangyayare dahil ang mga tao ay hindi binigyan ng kakayahang malaman ang future. Ang tanging magagawa lang ng tao ay maghanda sa mga pangyayare. Kaya nga ako nag-aral ng isang taon sa pre-school, anim na taon sa elementary, apat na taong sa high school at halos limang taon sa college dahil naghanda ako para sa pagkakataong ito. Sabi nila nila marami kang matututunan sa school pero mas madami ka daw matututunan sa labas nito. Kaya nga hindi ako naniniwala na kailangan mong i-reject ang isang tao ng hindi mo pa nalalaman kung papaano siya magtrabaho. Lahat naman kasi ng taong matino at may interes sa trabaho ay matututo.

Sa kaso ko, maswerte na ko dahil kahit papaano ay nakahanap ako ng kompanyang tatanggap sa akin sa trabaho pinaghandaan ko ng matagal sa eskwela. Sino kaya ang mga bagong makikilala ko? Anu-ano kaya ang mga bago kong matututunan? Saan-saan kaya ako makakarating? Kung saan man ako umabot alam kong hindi ako maliligaw dahil si BRO ang gabay ko.

(Ring!!!)

Bell na!