Number One
Ngayon ko lang naramdaman to. Parang kahit wala na, bumabalik pa din. Pag pumupunta ko sa kwarto niya, inaasahan ko pa din na nandon siya. Gusto ko ng magmove-on pero lagi ko pa din siyang naaalala. Kung paano siya magbiro, yung candy na palagi nyang kinakain noon, yung labakara na palagi niyang gamit, kung gaano siya kagaling magcrossword puzzle, yung salamin na gusto niyang dala saan man siya mapunta, ang paborito nyang bisikleta, yung suklay na lagi niyang ginagamit para mag-ayos ng kanyang buhok. Consistent talaga siya. Naisip ko pa non, para siyang "Mahal na Conde" sa cartoons na pinapanood ko noon. Masungit pa kasi siya noon at ayaw ng gaanong gulo at ingay. Ika nga ng pinsan ko, "OC siya".
Sampung araw na ngayon mula noong lumisan siya. Alam ko na noon na malapit ng mangyari yon ngunit hindi ko inaasahang na ganoong kaaga. Kahit tinanggap ko na noon pa, hindi pa din pumasok sa isip ko na wala na siya at hindi na muling babalik pa. Hindi tulad ng mga pinsan ko, hindi ako naiyak agad agad noong nalaman ko at nakita ko. Hindi ko alam kung bakit. Marahil sa sobrang pagkabigla lang. Halos hindi ako nakatulog noong madaling araw na yon. Nagdasal ako at doon na lamang nagsimulang tumulo ang mga luha sa magkabila kong pisngi ng puro sugat dahil nagpa-facial ako bago ang gabing iyon. Naalala ko ang mga huling sandali na nakasama ko at napagsilbihan ko siya.
Galing ako noon sa Malate, sa Slimmers World, para magpafacial. Tila pinagpractice na kong umiyak don dahil sa sakit ng pagtiris ng mga taghiyawat ko sa mukha. Umuwi ako mula doon kasabay ang Mommy ko. Buti na lang at nakasabay kami non sa kaibigan nyang may sasakyan dahil napakalakas ng ulan non. Dumiretso kami sa bahay nila.
Ganito na kami mula noong naospital siya, inuwi sa bahay at nagsimulang humina. Araw-araw pagkatapos ng eskwela, doon talaga kami maghihintayan para makasama siya, makamusta at mapagsilbihan. Paminsan inaalalayan ko siya sa pagtayo kung uupo siya sa espesyal na arinola. Hindi nya na kasi kayang maglakad ng mag-isa non. Minsan naman kung nakahiga lang siya ay magpapahimas lang siya ng binti o kaya ay magpapahawak ng kamay. Lahat ipapagawa nya na dahil hindi niya na kaya ang sarili nya. Mga dalawang buwan din xang ganoon. Tuwing umaga din ay nadadaanan ko siya ng saglit bago ako pumasok. Yun din ang dahilan kung bakit hindi ko maibigay ang buong oras ko sa kanya sa pagbabantay. May pasok kasi ako. Madalas gising siya at buong araw siyang nakahiga roon sa kanyang kama. Naisip ko tuloy kung gaano kabagot noon. Nakihiga lang sa aircon na kwarto, may estante na may salamin, may ilaw at may kalendaryo na pambilang ng araw.
Isang araw noon, pumasok akong umiiyak ang Mommy at Lola. Tinanong ko sila kung bakit ngunit siya ang sumagot, "Jarey, apo ko, paalam na, mamamatay na ko". May kahinaan at paiyak nyang sinabi yon sa akin Noong mga oras na yon, gusto ko ng umiyak habang tinititigan ko ang kanyang malungkot na mukha. Kinailangan kong maging malakas para hindi sila panghinaan ng loob kaya't niyakap ko siya at sinabing, "O Tay, wag po kayong magsalita ng ganyan. Malakas pa kayo! Kayang kaya nyo yan..." Lumabas na lang ako ng kwarto pagtapos. Alam kong kahit papaano nakatulong ako sa kalagayan nya.
At dumating na nga kami ng Mommy ko sa kanila pagkagaling ko sa facial. Gutom na gutom ako dahil natagalan akong tanggalan ng blackheads. Kaya naman pagmano ko sa kanya ay lumabas muna ako sandali para kumain. Niyaya ko pa nga siya na para bang wala siyang sakit, "Tay, kain po tayo!". Siyempre hindi na siya sumagot at hinayaan na lang nya akong kumain. Pagtapos kong kumain ay naalala kong game 5 pala ng PBA finals. Doon na ako nanood sa kwarto niya para mabantayan ko siya at mapanood na din niya. Nagbabasa din ako ng The Smaller and Smaller Circles noon at halos malalaman ko na kung sino ang killer kaya patingin-tingin lang ako sa score. Tambak ang kupunan ko! Habang nagbabasa ako, may kinukuwento siya sa akin tungkol sa basketball din. Ang gulo ng kwento niya at di ko maintindihan. Ganoon talaga siya. Kahit pag tumatawag siya sa bahay namin para magpataya ng lotto sa daddy ko, ang labo nya talagang magsalita. O kaya naman naalala ko din non, naghahanap siya ng magmamaneho sa kanya dahil makikipaglibing siya sa kaibigan niya. Sayang nga lang at hindi ako pwede noong mga panahong iyon. Nanginayang tuloy ako bigla pag naiisip ko. Dahil halos di ko nga siya maintindihan, sinabi ko na lamang na San Miguel at Ginebra ang naglalaban.
Nagpahimas na naman siya sa akin ng kanyang binti ng gabing iyon at ginawa ko naman. Sunod ko na lang matandaan ay nakatulog na pala ako. Pag gising ko, 98-91 ang score at lamang pa din ang Ginebra. "..8...91", ang narinig kong sinabi nya. Natuwa ako at nababasa nya pa yon sa edad niya at sa layo ng TV mula sa kinahihigaan niya kaya't pinuri ko siya. Bumukas na lamang ang pinto at lumitaw ang Daddy ko, "Tara na", ang sabi niya.
Nagmano na ako sa kanya at nang papalabas na ako ng pinto ay may narinig akong tumawag sa akin. Mahinang mahina lang, "Jarey...", hindi ko na naman naintindihan ang mga susunod niyang sinabi ngunit sumisenyas siya sa kanyang paa. "...kumot..." ang sunod kong naintindihang salita kaya kinumutan ko ang kanyang nilalamig na binti hanggang paa. "sige po, Tay", muli kong paalam siya kanya at pagatalikod ko muli ko siyang narinig, "Jarey, Jarey...", habang tumuturo sa Tv. Inabot ko na lamang ang buton para patayin ang TV. Nagpaalam ulit ako sa kanya at sinara ko ang pinto. Yun na pala ang huli niyang utos sa akin.
Ginising ako ng kapatid ko samantalang katutulog ko lang. Mga trenta minutos makalipas lang ang alas dose noon. Yun na nga yon. Pagbalik ko sa kwarto niya, hinalikan ko siya sa noo nang natutulog at di na lumolobo lobo ang tiyan. Hindi ako makapaniwala. Wala na.
Ngayon, hindi na siya nahihirapan at nasasaktan. Masaya na siya dahil kasama niya na ang nanay at tatay niya pati na rin si Bro. Wala nang hihigit pa na kaligayahan doon. Alam kong hindi siya ganoong karelihiyosong tao noon ngunit minsan ay naipakita niya sa akin na may pag-asa sa piling niya. Masayang masaya ako pagdalaw ko muli noon sa kanya at malapit na ang kaarawan ko. Siya lamang mag-isa noon sa kwarto. Sinabi niya sa akin, "Jarey, magaling na ko!". Sinabi nya yon sa akin na tila may pagmamayabang. Natuwa ako noon at natupad na din ang dinarasal ko sa Diyos na bigyan siya ng lakas ng loob at pag-asa sa buhay. Tinanong ko siya ko paano niya nasabi yon. "Humingi ako ng tulong. Pinagaling ako non..." sabay turo sa kalendaryo na may larawan ng Christ the King. "Gumising ako kanina...bumangon ako... Magaling na talaga ko...", dugtong niya. Hindi lang siya ang nabigyan ng pag-asa non kundi pati ako. Alam ko noong mga oras na yon na bubuti na siya at muling lalakas. Pinalakas ko ang loob niya at sinabi kong ipagpatuloy nya lang ang paniniwala. Ngayon alam kong lumisan sya ng panatag ang loob at masaya.
Naiinggit ako kay Cory Aquino. Kung siguro kasing dami ng sumusuporta at nagdarasal para sa kanya ang kay Tatay, buhay pa siguro siya. Buti pa talaga si Cory. Parehas lang silang may cancer pero ang mga dasal kay Cory mas madami. Sana gumaling si Cory pero naiinggit pa rin ako para kay Tatay. Ang marami lang din kay Tatay ay yung mga dumalaw noong burol niya. Pinagdasal kaya nila na gumaling si Tatay o naawa na lang sila at nawalan ng pag-asa? Kung sana yung mga dumalaw na yon ay pinagdasal lahat na gumaling siya noong nabubuhay pa siya, ano kaya ang nangyare? Ewan ko. Mapapanood pa siguro niya ang laban ni Pacquiao tsaka ni Cotto.
Pero nangyari na at Diyos na din siguro ang nagpasya kaya masaya na din ako. Alam ko kung nasaan siya at balang araw, magkikita muli kami. Hindi na ako malulungkot dahil ganoon talaga ang buhay. Sa panahon ngayon, napakaiksi na talaga ng buhay. Basta ako, naniniwala ako sa Diyos at hindi mahalaga kung ano mang edad ka bawian ng buhay. Ang mas mahalaga ay kung paano ka nabuhay o paano mo pinahalagahan ang buhay habang may pagkakataon ka pa.
Iba na nga siguro ang lahat mula ngayon. Pero kahit ganon, palagi pa rin siyang mananatili at magiging number one sa amin!