August 15, 2010

History Class by Fixing My Cabinet

Sayang...

Noong isang linggo pa namin 'to plano tapos maka-cancel lang. Minsan mas ok din yung mga biglaan na lang na lakad. Hindi perfect pero mas masaya. You don't know what to expect. Katulad nang nangyari kagabi. Biglaan lang na nagkakayayaan kami ng mga kaibigan ko na manood ng sine. Tatlo lang nga kaming nakapunta. Bagong sweldo naman kasi kaya maraming panggastos. Kain lang nang kain. Nabusog din ang mga mata ko dahil ang daming chicks sa Town. Ganda din ng pinanood namin, Grown Ups. It's not a spectacular movie pero marami pa ding lessons at nakarelate kami ng maige. Tapos inuman, kainan, tawanan at kwentuhan hanggang umaga. Ang sarap ng buhay.

Kanina pag gising ko, nalungkot ako sa message na nabasa ko sa phone ko. Di na matutuloy yung binabalak kong pagpapamasahe.

Mga ilang buwan na din kaming walang kasama sa bahay. Kaya ilang buwan na ring walang nag-aayos ng cabinet ko. Napapansin na din yon ng Mommy ko at kanina pinaparinggan nya na ko. Ayusin ko naman daw 'yon. Naisip ko, siguro nga oras na din para isaayos ang napagulong bahaging iyon ng kwarto ko.

Inilabas ko muna lahat ng mga damit na naroon, maliban sa mga naka-hanger. Tiniklop ko yung mga hindi nakatiklop. Ito yata yung mga damit na dapat gagamitin ko kaya isinuot ko pero naisip kong hindi ko pala gustong isuot kaya sa pagmamadali ko ay hinahagis ko na lang pabalik sa loob pagtapos kong kumuha ng kapalit. Pinagsama-sama ko ang mga panlakad, pambahay, pang-gym, panloob, mga luma ngunit pwede pang gamitin, mga ipapamigay na lang at mga di na gagamitin.

Habang tinitingnan ko isa-isa yung mga damit na hindi ko na gagmitin at ipapamigay na lang, naalala ko bigla ang mga kwentong kasama ng mga damit na ito sa aking cabinet.

SHOW TIME!!! OUCH YES!

Hindi ko na talaga sigurado kung saan ko nakuha 'to. Kung hindi ako nagkakamali, bigay to sa akin ni Kuya Nonoy, pinsan ko sa Ligas (Bacoor) , noong nagbakasyon doon sa kanila ng isang beses. Dahil uso noon ang malalaking T-shirt at malambot ang tela nito kaya naging paborito kong pambahay 'to. Ginagamit ko din 'to madalas pag magbabasketball ako. Yun bang ring na gawa-gawa lang tapos maalikabok pa yung court na pinagtatalbugan ng bola. Kaya pagtapos kong maglaro, may itim na kuwintas na 'ko at itim na linya sa likuran ng siko. Kasama ko din kuya ko noon maglaro. Tapos kinagagalitan ako ng Mommy ko dahil pawis na pawis ang damit na 'to. Pinapahirapan daw namin yung naglalaba. Pero kahit ganon, tuloy pa rin sa basketball. Paminsan naghuhubad na lang ako para lang hindi na palit ng palit ng damit at di na mahirapan yung naglalaba. Para hindi na din magalit ang Mommy ko.


PAGE

Ang naaalala ko dito sa damit na 'to ay naging paborito ko itong panlakad. Hindi pa kasi kupas yung "PAGE" na nakasulat tsaka sa tingin ko noon ay magandang brand ng shirt ang Page. Pakiramdam ko sobrang branded ng damit na 'to at mahal kaya astig pag suot ko t'o. Hanggang kumupas na nga yung "PAGE" pati yung kulay ng damit. Na-demote na lang ito bilang extra shirt. Hanggang natabunan na nga lang ito sa cabinet at hindi ko na nagamit kahit pambahay. Hindi ko na rin talaga magamit dahil parang amoy aparador na siya tsaka kupas na nga.

PUERTO GALERA PHILIPPINES

First time kong makarating sa Puerto Galera ay mga sampung taon siguro ako. Company outing ng mga Mommy ko noon at pwedeng isama ang pamilya. Hindi lang nakasama ang kuya ko noon at hindi ko na matandaan kung bakit. Masayang masaya ako noon kasi ito ang pinakamalayo ko nang mapupuntahan at unang beses ko lang sasakay ng ferry boat. Hindi aircon noon sa tinulugan namin at napakalamok kaya hindi ako masyadong natuwa noon. Hindi ko din dati gusto yung pakiramdam ng may buhangin sa shorts at loob ng brief. Ako mismo ang pumili ng shirt na ito noong namimili ang Mommy ko. Malapit na kaming umuwi noon.

Noong ikalawa kong punta sa Puerto Galera ay binata na ako, taong 2008. Binuksan ko pa yung alkansya ko para makasama lang. Kaya ang bigat bigat ng dala ko noon dahil puro barya. Mga barkada ko ang mga kasama ko kaya sobrang tipid ko. Nabuhay ako doon nang nakikihati sa chicken kebab. Magandang manood ng sunset doon. Para kang nasa Mars dahil parang mapula yung paligid pag hapon na. Nagpahena din ako sa kamay.

Hindi pa mukhang bacon yung sa my neckline dati kaya nagagamit ko din na panglakad yan. Ngayon ay hindi ko na magamit kasi masagwa na yung kulubot na kwelyo tsaka parang malutong na yung tela. Bumili na din naman ako ng bagong Puerto Galera Shirt bumalik ako noon doon.

Dragon Knights

Ito yung intrams shirt namin noon Grade 6 ako, Section 6-Love. Obvious naman na intrams shirt yan dahil yung dragon may hawak na bola ng basketball at volleyball. Champion kami nito sa cheering gaya ng nangyari nung Grade 5 kame. Pati sa soccer nagchampion din kami. Dahil doon, libreng yakap yung mga lalaki noon kay Ellenbert! Oh yeah! (Peace Ellen!) Hindi ko matandaan kung champion din ako sa pingpong noon pero ang sigurado ko noon ay first runner-up kami sa basketball. Paano ba naman kasi, naipon sa 6-Peace yung matatangkad at malalaki. Kami asa lang sa team work (Parang Grown Ups lang). Gwardiya pa ang laro ko non dahil maliit ako dati. Naghahabol kami buong game nung championship pero wala talaga. Ayos lang kasi maganda pa din ang laban at magkakaibigan pa din hanggang ngayon. Hindi ko na susuotin to dahil ang init ng tela tsaka hindi na rin kasya sa akin.

St. Ignatius of Loyola

This was our freshmen shirt in High School. Issue ang shirt na ito dahil ito ang napiling design ng class adviser namin na si Ms. Javier. Hindi naman sobrang pangit pero ayaw na ayaw naming suotin. Ayos na din kasi lahat naman kami magsusuot nito (Haha! Peace Jennico!) .Tapos may number pa sa likod. Mabuti na lang at walang pangalan dahil sobra na yon pag nagkataon. Di pa kasi uso ang Photoshop sa amin ng mga panahong ito kaya mga ganitong tipong shirt lang yung nagagawa namin. Malupit pa din talaga si Jennico na dinrawing ang napakagandang design ng shirt. Kasya pa sa akin 'to pero di ko na din susuotin.

Sintomas More

Ito ay napakamemorable na shirt dahil intrams shirt namin ito nung Junior High at noon namin nakamit ang kaisa-isang championship namin sa basketball. Tinalo pa namin ang seniors noon (na hindi na namin matalo ngayon) kaya napakasarap ng moment na yon. Napa-tumbling pa ata ako noon sa sobrang saya. Nagcelebrate pa kami sa Padi's Point na bagong tayo pa lang noon sa Las PiƱas. Ang daming memories nitong shirt na to at school year na yon. Halos lahat masaya. Hindi pa komplikado ang lahat. Basta.

ST. JOSEPH Table Tennis Jersey

Mahilig lang talaga akong magbasketball pero hindi ako natanggap sa try-outs. Magagaling din kasi yung mga kasabayan ko. Pero ayos lang dahil buti na lang may iba din akong sports tulad ng ping pong (walang pang!). Libangan lang kasi namin 'to dati sa Mabini (kung saan ako madalas noong bata ako) ng mga pinsan ko tsaka yung mga kababata namin doon. Doon lang ako natutong maglaro nito. Ang saya dahil nagpapaligsahan pa talaga kami noon at kahit gabi na naglalaro pa din kami. Gusto ko na ulit maglaro! Fastest game on earth.

Ayoko ng suotin to kasi ang kintab ng tela. Kahit pambahay di uubra. Ibibigay ko na lang sa kapatid ko.

What a History class! Sa simpleng pagtitiklop lang ng mga damit, ang dami kong naalala. Siguro kung may natutunan ako dito, yun ay "looking on the bright side of things". Kahit na hindi natuloy yung pagpapamasahe, may nagawa pa din ako maganda. Naexercise din ang utak ko dahil inalala ko talaga yung mga kwentong pwede kong maisip sa mga shirts na yon. Naisip ko din na kahit mas marami na akong responsibilidad at mas malapit na 'ko sa mga pangarap ko, hindi ko pa rin masasabi na "I've grown up". Ineenjoy ko lang yung buhay ko ngayon. Explore lang. Sabi nga ni Coach Buzzer sa Grown Ups, "...So that when that buzzer in your life sounds, eeeeeeeeeeeeeeeeeenk!!!! ....you'll have no regrets." (not the exact words)